07/01/2026
“Bigla akong naospital. Doon ko narealize na hindi pala lahat ng plano natin nasusunod. Akala ko malakas pa ako. Akala ko kontrolado ko ang lahat”
Yan ang kwento sa akin ng kaibigan ko noong nagkita kami pagkatapos ng return check-up niya sa ospital.
Nagkita kami sa isang maliit na coffee shop malapit sa ospital.
Hindi ito yung tipong lugar na madalas puntahan ng mga nagcecelebrate. Tahimik, simple at may bigat ang hangin. Kita ko agad sa mukha niya na pagod siya, hindi lang sa trabaho kundi sa pinagdaanan.
Early 40s na siya, empleyado ng isang kumpanya. Matagal na siyang nagtatrabaho, consistent, masipag, walang bisyo. May pamilya siya at may tatlong anak na nag-aaral. Nang umorder kami ng kape, napansin kong nanginginig nang bahagya ang kamay niya.
Habang nagkukuwentuhan kami, bigla niyang sinabi,
“Matagal na akong inalok ng insurance dati pa pero lagi kong sinasabi, saka na lang. Busy pa, may ibang gastos, may inuuna.”
Tahimik akong nakinig.
“Hanggang sa isang araw,” sabi niya, “bigla akong naospital. Doon ko narealize na hindi pala lahat ng plano natin nasusunod. Akala ko malakas pa ako. Akala ko kontrolado ko ang lahat”
Sinabi niya na ngayon lang siya nakabangon hindi lang sa sakit, kundi sa takot. Takot na paano kung maulit. Takot na paano kung hindi na siya makapagtrabaho tulad ng dati. Mas natakot siya sa tanong na, “Paano ang pamilya ko kung tuluyan akong mawala?”
Kaya kahit mas mahal na ngayon, kahit mas mahigpit na ang requirements, pinili pa rin niyang kumuha ng insurance.
“Hindi ko na hinahabol ang perfect,” sabi niya. “Hinahabol ko na lang yung meron. Kasi mas mahirap ang walang-wala.”
Doon ko naintindihan na ang insurance ay hindi lang para sa mga handa kundi para sa mga natutong maging handa, kahit medyo huli na.