18/04/2020
PAGLILINAW ukol sa ayudang ipinamimigay sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney, bus, taxi, UV express, and TNVS, sa ilalim ng Social Amelioration Program ng Bayanihan To Heal As One Act
1. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naatasan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siyang pangunahing ahensya na magpapatupad at hahawak ng pondo ng Social Amelioration Porgram (SAP) sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, kung saan kabilang ang pagbibigay ng ayuda sa mga drayber ng pampublikong sasakyan.
2. Nagkaroon ng tripartite agreement ang DSWD sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Landbank of the Philippines (LBP) upang mapamahagi ang tulong pinansyal para sa mga drayber. Ang LTFRB ay naatasang tumulong sa paghahanda ng paunang listahan ng mga tsuper ng PUV na siyang ipapasa sa DSWD para sumailalim sa counterchecking. Ang Landbank naman ang siyang magbibigay sa drayber ng cash assistance mula sa pondong ibinigay ng DSWD.
3. Natapos na ng LTFRB ang pagsusumite sa DSWD ng mahigit 280,000 pangalan ng mga drayber ng PUV sa NCR at sa iba pang mga rehiyon sa bansa. Ang listahan ng mga drayber ay nagmula sa LTFRB Drivers’ Academy Program Database, mga PUV companies (bus companies, cooperatives, etc.), transport associations, Transport Network Companies, at iba pang legitimate sources.
4. Kasalukuyan ay sumasailalim ang listahan sa masusing counter-checking at validation ng DSWD upang matiyak na hindi madodoble ang maibibigay na ayuda ng gobyerno sa isang tao. Susuriin ng DSWD kung ang mga drayber sa listahan ay hindi pa nakakatanggap ng ayuda mula sa iba pang programa ng gobyerno gaya ng 4Ps o cash assistance mula sa DOLE. Ginagawa ng DSWD ang counterchecking by batches. Oras na matapos ang isang batch, ginagawan ito ng payroll upang maging basehan sa bilang ng pondo na ida-download sa Landbank.
5. Matapos maiayos ng DSWD ang listahan at payroll para sa mga PUV driver na babahaginan ng ayuda, bibigyan nito ng kopya ng masterlist ang LTFRB at Land Bank upang maipalaganap at ma-anunsyo sa publiko sa pamamagitan ng kani-kaniya nitong communication platforms. Ang counterchecking at validation sa mga pangalang ipinasa ng LTFRB ay isinasagawa ng DSWD araw-araw.
6. Oras na makita ng drayber ang kanyang pangalan sa masterlist, maari na siyang magtungo sa Landbank upang mai-claim ang kanyang cash assistance. Dapat ay dala-dala ng drayber ang documentary requirements (driver’s license at photocopy of driver’s license with two specimen signatures) sa Landbank. Pinaaalalahanan ang nga drayber na iwasang magtungo sa Landbank kung ang pangalan nila ay wala pa sa listahan.
Hangad ng DSWD, LTFRB at ng LBP na sa ganitong bukas o transparent na paglatag at paghayag ng proseso at gampanin ng bawat ahensya ay mabibigyang linaw at masasagot ang mga mahahalagang katanungan ng ating mga tsuper.
Sa gitna ng matinding pagsubok na ating pinagdadaanan laban sa Covid-19 pandemic, pinagsisikapan ng ating pamahalaan na maiabot o maparating ang karampatang ayuda sa mga higit na nangangailangan.
Makakaasa po kayo ng aming patuloy na paglilingkod at pag seserbisyo para po mapangalagaan ang kapakakan ng bawat Pilipino.
Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik at kooperasyon.