16/02/2022
Video Trigger Warning: Su***de
Karaniwang kultura na sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng pamilyang 'nukleyar' (nuclear family). Kasama sa paglaki at pag-unlad ng ating kaisipan-ang ating mga tito, tita, lolo, o lola. Paniguradong kasama sila sa paghubog at pag-aruga sa atin bilang bata bukod sa ating pamilya. Ang impluwensya ng mga taong ito ay malaking bahagi ng ating pagkatao dahil mula sa kanila, naipasa ang mga tradisyon, yaman, o kaugalian mula pa noong una, na sya rin nilang kinagisnan.
Sa pelikulang, "Encanto" ng Disney, paniguradong maraming millenial at Gen-Z ang naka-relate rito. Hindi naman kasi maitatanggi na may mga kaugalian at nakasanayan tayong dapat ng alisin o baguhin, lalo na sa kapamaraanan ng pagbuo ng pamilya. Isa na nga rito ang pagkakaroon ng 'breadwinner' sa pamilya. Sa aking opinyon, walang masama sa kaugaliang ito. Ang pagbabalik ng pagmamahal, sakripisyo, pagod at oras ng ating magulang sa atin, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa kanila ay normal. Ngunit hindi rin naman natin maitatanggi na sa isang pamilyang Pilipino nakasanayan na, na ang panganay na anak ang siyang 'mag-aahon sa hirap', 'tutulong sa magulang hanggang pagtanda', o 'magpapatuloy ng pag-aaral ng kanyang mga kapatid'.
Kagalakan para sa isang magulang ang mapagtapos ang kanyang anak, ganun din naman sa isang anak na naghahangad mapabuti at maingat ang antas ng pamumuhay ng kanyang pamilya. Masarap sa pakiramdam ang ipagpagpatuloy ang iyong pangarap pagkatapos ng iyong pag-aaral.
Kaya nga lamang kadalasan sa buhay ng isang 'breadwinner', hindi madaling daan ang kanyang tatahakin dahil kaakibat ng pagtatapos ng pag-aaral o pagkakaroon ng trabaho ay ang pag-atang ng malaking responsibilidad sa kanyang mga balikat.
Malaking bahagi ng responsibilidad na ito ang pagbabayad ng 'bills' sa bahay, tuition ng kapatid, pagbabayad ng pagkakautang at iba pa.
Sa aking palagay ang ating henerasyon ngayon, millenials at Gen-Z, ang dapat na maging tulay sa pagbabago ng kasanayang ito. Maaaring sa darating na mga taon gusto mo ng bumuo ng sarili mong pamilya. Ang hamon ko sa iyo ay pag-isipang mabuti ang kaakibat na responibilidad ng pagkakaroon ng anak. Maging aral sana sa atin ang mga istorya at karanasan natin bilang bata, binata, at may sapat na gulang sa pagbuo ng pamilya.
Isa nga nga rito ay ang pagsigurado na sa ating pagtanda ay handa tayong harapin ang mga pinansyal na obligasyon bilang magulang at asawa. Karapat-dapat na ngayon pa lamang ay buoin at pagplanuhan na natin ang ating pagtanda ng sa gayon habang bata pa lamang ang ating magiging mga anak panatag tayo sa kanya at sa ating magiging kinabukasan.
Ikaw anong plano mo?
Video Courtesy: Tiktok -