20/06/2022
Milky Chico Pangga Chico
Pagkaing Espirituwal ngayong Martes
Hunyo 21, 2022
Pamagat: Ituon Ang Paningin
Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. - 2 Corinto 4:18
Basahin: 2 Corinto 4:7-18
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
7 Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin.
8 Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa.
9 Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay.
10 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus.
11 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan, makita ng lahat ang buhay ni Jesus.
12 Maaaring mamatay kami dahil sa aming pangangaral, pero ito naman ang nagdudulot sa inyo ng buhay na walang hanggan.
13 Sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako.” Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami.
14 Sapagkat alam namin na ang Dios na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Jesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanyang piling.
15 Ang lahat ng paghihirap namin ay para sa inyong ikabubuti, para lalo pang dumami ang tumanggap ng biyaya ng Dios. At habang dumarami ang tumatanggap ng biyaya ng Dios, dumarami rin ang nagpapasalamat sa kanya. At dahil dito ay mapupuri siya.
16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu.
17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan.
18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.
Idinadalangin ng aking kaibigang si Madeline na mas ituon nawa ng kanyang mga anak at apo ang kanilang paningin sa mga bagay na pang walang hanggan. Dumaan kasi sa matinding pagsubok ang kanilang pamilya at kasama na roon ang pagkamatay ng kanyang anak. Habang nagluluksa, ninanais ni Madeline na matuon ang kanyang pamilya sa mga bagay tungkol sa Dios at mapuno sila ng pag-asa.
Nakaranas din naman si Apostol Pablo at ang kanyang mga kasama ng matinding pagsubok dulot ng mga pagmamalupit sa kanila. Gayon pa man, nakatuon ang kanilang paningin sa Dios. Sinabi ni Pablo, “Hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan” (1 CORINTO 4:18).
Kahit naglilingkod sila sa Dios, “ginigipit [sila]...naguguluhan... Kung minsa’y sinasaktan” nagpapatuloy pa rin sila (TAL. 8-9). Pero sa halip na malugmok, nakatuon ang pag-asa ni Pablo sa Dios at sa inihanda Niyang gantimpala para sa kanila. Naniniwala siyang ang mga paghihirap na dinaranas nila ay panandalian lang (TAL. 17). Natitiyak din ni Pablo na ang Dios na muling bumuhay kay Jesus ang siya ring bubuhay sa kanila (TAL. 14).
Sa tuwing makakaranas tayo ng paghihirap, ituon din natin ang paningin sa Dios – ang ating walang hanggang Bato na kailanma’y hindi matitibag.
- Estera Pirosca Escobar
Sa Inyo po ako titingin, Panginoon. Bigyan N’yo ako ng pasulyap sa katiyakang mayroon ako sa Inyo.
React, Share, and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/ourdailybreadpilipinas
Visit filipino-odb.org
to learn more about Our Daily Bread Ministries and our resources
Copyright © 2022 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
Disclaimer: Please note that internet browsers and online platforms may have built-in translation features that may inadvertently change the meaning and overall thought of our content.